Hindi na raw matutuloy ang napapabalitang pagpapaalam sa ere ng comedy talk show ni Vice Ganda na Gandang Gabi Vice. Extended daw ang nasabing programa at magpapatuloy pa rin sa pag-ere tuwing Linggo ng gabi taliwas sa nauna nang napabalitang farewell episode na nito sa January 29.
Humiling kasi si Vice na bigyan na lang siya ng show na may ibang format dahil nahihirapan siya sa kasalukuyang format ng GGV. Pero mukhang nagbago ang isip ng komedyante nang mag-trend pa rin ang programa kahit hindi naman ito umere noong nakaraang Linggo para magbigay daan sa Chinese New Year Celebration ng Kapamilya network.
Consistent top rater ang GGV at lagi pang nagte-trend sa Twitter ang programa pati na rin ang mga guests nito. Sa kanyang Twitter account, ipinahayag ni Vice ang kanyang pasasalamat sa mga tagahanga: "Your support for GGV is overwhelming! I really appreciate it. I feel your love for me and my show. Makes me want to RECONSIDER my decision."
Samantala, ang Sarah G Live ni Sarah Geronimo na napabalitang ipapalit sa iiwanang timeslot ng GGV ay nakatakdang ipalabas sa mas maagang oras tuwing Linggo simula Pebrero. Ang nasabing musical-variety show ng Popstar Pricess ay susundan ng Rated K ni Korina Sanchez, Pinoy Big Brother Unlimited at ng Gandang Gabi Vice.
UPDATE (January 30, 2012)
Hanggang February 19, 2012 na lang ang GGV at pansamantala munang magpapahinga ang programa. Ayon sa host nitong si Vice Ganda, nabigyan ng extension ang programa na nakatakdang magtanghal ng final episode nito noong nakaraang Linggo. Gagawing seasonal na lamang daw ang programa para maiwasan ang "sawa factor."
Samantala, mapapanood pa rin si Vice sa bagong noontime show ng Kapamilya network, ang It's Showtime, na ipapalit sa Happy Yipee Yehey. Mapapanood ang It's Showtime simula February 6 at makakasama dito ni Vice ang Showtime barkada na kinabibilangan nina Anne Curtis, Vhong Navarro, Karylle, Billy Crawford, Kim Atienza, Teddy Corpuz at Jugs Jugueta. Makakasama rin ang mga dating hurado na sina Ryan Bang at Jong Hilario.






